Isinulat ko lang ito para masundan nyo ang kwento ng buhay ko. Malay nyo nkakarelate pala kayo sa akin. Baka meron din kayo mapupulot na aral o baka isa sa inyo ngayon pinagdadaanan nyo ngayon kung ano napagdaanan ko.
Masaya ako sa nangyayari sa buhay ko sa ngayon, Mga blessings na ipinagkaloob sa akin ng poong maykapal. Buhay na akala ko pangarap lang noon. Pangarap na akala ko parang bituin na hanggang tingin na lamang sa kinang na taglay nito. Pero ngayon naniniwala na ako pag nangarap ka ipagdasal mo yan, kulit kulitin mo si Papa Jesus ituring mong regalo sa’yo yun kasi ganun ginawa ko kinulit kulit ko lang sya sa regalo na pinapangarap ko. Pero bago mo tlga makuha ang regalo na yan, madami ka talagang pag subok na dadaanan, mga pasakit, pangungutya, at kung ano ano pa. ako? Puro pagsubok muna ang naranasan ko, lahat muna ng mali pinakita sa akin para malaman ko kung ano ang tama. Noong araw di ko maintindihan kung bakit, dumating din yung time na sisihin at tanungin sya kung bakit kailangan ko pang pagdaanan ito. Naramdaman ko din na akala ko pinabayaan nya ako. Ngunit mali pala ako. Paano nga ba ako nagsimula sa gantong klaseng pangarap at negosyo?
Kagaya ng mga bata simple lang naman ang pinapangarap sa buhay. Ang pangarap na tinuturo ng ating mga magulang. Alam ko parati itong sinasabi sa atin at di na bago, “Anak mag aral kang mabuti, para paglaki mo magkaakroon ka ng magandang trabaho, matutulungan mo kami sa bahay at pag nakapag tapos ka na tulungan mo din kami sa pag-aaral ng mga kapatid mo, wala tayong kayamanan sa ngayon at yan lang ang mapapamana namin sa inyo.” Pinanganak kasi ako at nakagisnan ang hirap na pamumuhay. Isang public school teacher ang mother ko at isang magsasaka ang father ko. Laki ako sa probinsya na nakatira sa gitna ng bukid parang 2 kilometers away ang layo mula sa kalsada. Pilapil ang nagsisilbing daan namin papasok sa bahay namin. Walang kuryente pa sa lugar naming noong araw kaya lampara lang ang nagsisilbing ilaw naming gabi gabi pag nag aaral kami.
School, bahay bukid lang ang ginagawa namin. At ang school namin ay malayo sa amin. Nilalakad namin ito araw- araw ng mga 30mins. to one hour kasi walang sasakyang regular na dumadaan at sa lugar namin bihira lang kami makakita ng sasakyan . Bihira lang kami makapunta sa bayan kasi malayo kami sa kabihasnan kaya pag nagpupunta ang mother namin sa bayan lahat talaga kaming magkakapatid sinasama nya para naman makita namin kung ano itsura ng bayan at malayo din ang mga kapitbahay namin kaya kami kami lang limang magkakapatid ang magkakalaro. Mga kalaro namin nga aso, pato, manok, kalabaw, kambing, pusa, ibon at kung ano ano pang hayop na mababait. Minsan naman mga pinsan naming dumadalaw sa amin pag sabado at linggo pag walang pasok.
Sa murang edad natuto na kami sa gawaing bukid. Sa pag aalaga ng baboy, manok, kambing. Sa pagtatanim ng mga gulay at palay. Minsan naman sinasamahan namin ang lola ko at mother ko pag nagpupunta sila sa ilog para maglaba ng mga damit.
Wala din kaming sariling TV kaya’t nakikipanood kami sa pinsan namin sa medyo malayong lugar. Radyo ang libangan naming mag aanak dun kami nakikinig ng mga kwentong drama sa DZRH. Mga natatandaan ko pa na radio show yung “tiya delly, negra bandida, Isang gabi ng lagim” at kung anu- ano pa. O di kaya nag istory telling ang mga magulang naming gabi gabi bago matulog.
Noong high school ako pinilit ng mga magulang ko na sa bayan ako makapag-aral sa isang private school. Kinailangan kong makitira sa tito ko sa isang barangay na madali lang sumakay papunta sa bayan. Tumutulong ako sa mga gawaing bahay para naman di ako maging pabigat sa kanila. Sila ang mga naging pangalawa kong ama at ina dahil wala silang anak. Minsan naman pumupunta ako dun sa isa kong tita tumutulong sa pagtitinda at paglilinis ng bahay nila para bigyan din nila ako ng konting pambaon ko. Buti na lang nagkaroon ako ng mayamang bestfriend anak ng district supervisor sa amin. Kadalasan nililibre nya ako o kaya pag lunch sinasama nya ako sa bahay nila para dun kumain. Sabi ko noon sana yumaman din kami gaya nila. Di ko na enjoy ang high school life ko kasi pag me outing, field trip hindi ako nakakasama kasi wala kami pera. Hindi ko rin naranasan umatend ng high school graduation kasi walang wala kami pera noon. Nakagraduate ako na puro promisory note. Parati na lang ako late na nakakapag exam. Parati na lang pinapagalitan ng cashier.
Noong college na ako lalong nahirapan ang mga magulang namin dahil hindi sapat ang kinikita nila para matustusan ang pag aaral naming mag kakapatid. Sabay sabay na kasi kami mag aral. Nagagalit na minsan ang mga kapatid ko kasi yung dapat pambaon nila kadalasan napupunta na sa akin sa sobrang dami ng babayarin. Mababait naman ang mga kapatid ko kasi nag gigiveway naman sila sa akin parati pero minsan di maiwasan na mainis. Nabaon sa utang ang mother ko loan sya dito at loan doon. Utang sa mga co teacher nya, utang sa mga tindahan para patustusan ang mga pangangailangan namin. Wala ng natitira sa sweldo nya kasi kulang pa pamayad sa utang. Ang ama ko naman halos di na natutulog sa paggawa ng handicraft na kawayan para maibenta at pagpunta sa bukid para magtanim ng gulay at palay.
Puro pangungutya ng mga kamag anak at mga kaibigan nila ang inabot nila. Kesyo naturingang teacher daw ang nanay ko pero bahay kubo lang ang bahay namin mas maganda pa daw ang bahay nila na wala naman daw silang tinapos. At bakit pa kasi pinipilit daw nila pag aralin kami sa private school eh hindi naman kaya.
Sobrang bilib na bilib talaga ako sa mga magulang ko kasi di sila nawawalan ng pag-asa. Kahit na naranasan naming di kumain sa isang araw kasi walang bigas. Wala na rin gusting magpautang kasi puro na sila utang. Isang kapatid ng father ko ang parati naming nalalapitan kahit pareho kaming salat sa pamumuhay.
Basta palaging binibilin ng father ko at mother ko na basta mag aral kaming mabuti para pag nagtapos kami makakahanap kami ng magandang trabaho.
Sabi ng father ko pilitin ko makapagtapos ng pag aaral kasi sya hindi nakapag-aral. Pag nakapagtapos ako ng pag-aaral para na din daw syang nakapagtapos ng pag-aaral. Paulit-ulit nyang sinasabi na bryan ito tandaan mo parati “PAG SA GABING NANGANGARAP ASAHAN MO’T ME DARATING NA BUKAS” di ko maintindihan yan noon.
Para mabawasan ang intindihin nila nag part-time job ako sa isang fast food. Sa gabi nagwowork ako sa araw nag-aaral ako. Sagot ko na ang allowance at least kahit papaano nabawasan ang intindihin nila.
Napasok din ako sa isang multi-level marketing dahil maraming student ang sumasali noon sa baguio. Doon marami ako natutunan sa buhay. Yung pagiging positive minded, lakas ng loob at mangarap. Tinuturo nila doon kung paano makuha ang mga pangarap mo kung paano ka kikita, kung paano ka kumausap sa mga tao.
Tanong ng karamihan paano ako napasok sa showbiz?
Ayun habang nag-aaral ako, habang nag wowork ako sa mcdo at habang nag mumulti-level marketing ako sa forever living products biglang tumawag ang father ko. Narinig daw nya sa radyo sa DZBB kay Mr. Carinoso na me nagplug ng theater acting workshop na si Tita Cris Canlit. Nakuha daw nya ang number tawagan ko daw. Ako naman para masabayan ko ang excitement level ng father ko tinawagan ko naman para makuha ang details. Nagpasama ako sa isang kawork ko sa Mcdo kasama ang mother ko papunta sa manila kasi ako first time ko lang makapunta sa manila at the age o 19. Ayun workshop sa PHILMARTS (Phil. Music & Arts Theater)under Mr. Aloy Norona every Saturday ang luwas namin sa Manila. Best effort tlaga nadagdagan ule ang gastusin para sa workshop fee. Pati kalabaw, manok at ibang alaga naming hayop nabenta na para lang makapag workshop ako para magbakasakaling me makapansin at maging artista din ako. Yun ang pangarap ng father ko para sa akin. Di ko gusto noong araw ang ganun hanggang sa magustuhan ko na din. Nakagraduate din naman ako sa acting, dancing & modeling workshop sa kanila. At sinama kami sa taping ni tito aloy sa home along da riles. Ayun napasama sa eksena na nakaupo sa family planning scene. Tapos noong pinalabas na ang nafocus din akin ang camera at madaming nakakita na mga friends ayun doon ako umpisang nagustuhan ang mundo ng showbiz.
Sa Philmarts na din ako nag ojt, kinuha na din nila ako na caretaker sa theater school, secretary, janitor, theater actor kumbaga all around na. Tinuruan na din nila ako magturo ng workshop, mag direk ng stage play at mag market.
Habang ginagawa ko yang mga yan pinapayagan naman ako lumabas sa mga tapings na paextra extra gaya ng Kakabakaba(gma), habang kapiling ka(gma), ikaw sana(gma), click(gma), wansapanatym(abs-cbn), basta’t kasama kita(abs-cbn) etc…
Dumating ang time na medyo nagstop ang theatre namin kaya’t nakitira muna ako sa pamangkin ng father ko for awhile sa me don Fabian fairview. Naboring ako kasi ako lang palagi naiiwan sa bahay kaya’t nakiusap ang father ko sa isang malayong kamag-anak na dun muna ako tumuloy sa kanila sa me novaliches. Masaya naman doon tumutulong ako sa pag gawa ng basahan pag wala ako taping kaso medyo malayo. Pag inabot ako ng 12midnight na pack up kakailanganin ko na magpalipas ng gabi somewhere. Sa me chowking cubao edsa ito noon pag 6am na sasakay na ako ng bus pauwi. Malayo kasi ang lalakarin papasok sa subd. At maraming aso minsan naranasan kong habulin ng aso kaya’t di ko na inulit. Pag dating ko naman sa gate na tinutuluyan ko wala ng nagbubukas sa akin kasi mga mahimbing na ang tulog kaya dun na lang ako natutulog sa park ng sudb. Hanggang mag umaga.
Inalok ako ng isang talent supplier na doon muna ako tumira sa kanila sa payatas para pag me taping sabay na lang kami papunta sa location. Nagpaalam naman ako ng maayos sa tita ko at pinayagan naman ako. Si Tita Esther ang nagsilbing nanaynanayan ko sa showbiz. Ginabayan at inampon nila ako. Tinuruan ng buhay sa Maynila.
Along the way pinakilala ko ni Sir Aloy sa isang friend nya sa GMA at pinagtaping sa Click. Ginawa nila ako regular na student doon at pinagsupply din ng kapwa talent. Masaya pala me talent fee ka na tapos me komisyon ka pa. Pinagbutihan ko ang pagsusuply ng talent. Bigla ule ako inalok na magcaretaker na lang daw ako ng talent sa mga tapings nila sa AI-VAN Artist Talent Agency ni Tita Aida Cruz.
Nakitira ako ule sa bahay ng caretaker ni tita Aida na si Ate Nida sa may Tumana Marikina tapos pag sabado at linggo uwi ako kina Tita Esther.
Napakabait ni tita aida at asawa nya kasi nakita nila sipag at tiyaga ko eh pinagawan ako ng sarili kong kwarto sa bahay nila para daw dina ako mahirapan pag kailangan nila ako nandyan lang ako. Tinuring din nila akong anak at inalagaan. Pinapangaralan din pag nagkakamali di nila ako tinuring na iba. Parati nilang bilin “Bryan ikaw mayroon ka ding pangarap sa buhay, ngayon tauhan ka namin pero dadating din yung time na aalis ka din sa amin para hanapin ang swerte mo sa buhay at hindi ka namin pipigilan, mas masaya kami na makikita kang umasenso”.
Year 2005 nagdecide ako na magresign kay tita aida kasi di ko na kaya ang trabaho I mean mga taong katrabaho. Sa production lalong-lalo na yung isang p.a na walang ginawa kundi ipahiya ako sa harapan ng maraming tao, sa harap ng buong production yung wala ka namang mali pero hahanapan ka ng mali para mapagtripan lang kasi nga ang motto nila “PRODUCTION IS ALWAYS RIGHT”. Kasi I’m nothing & I’m nobody. Dun ko naranasan yung inapakan ka na, sinipa sipa ka pa, hinukayan ka pa ng libingan at ibinaon sa lupa. Sobrang iyak ko noon at sama ng loob sabi ko pag nagkaroon ako ng sasakyan sasagasahan ko yan pag nakita ko sa daan na naglalakad, pumunta ako kay tita aida para magpaalam na mahirap magdecide pero nagdecide talaga ako na ayaw ko na. Nagpaalam ako ng magtetheatre na lang ako ule. Pinayagan naman ako ni tita pero mahirap kami makamove on sa paalaman. Naging super close na kasi kami at anak na talaga ang turing nila sa akin.
February 2005
Di naman na ako nakabalik sa theatre kasi mahina daw ang raket. Paano na ako? Nagkakilakilala kami nila Ate Paloma isang supplier din ng talent dun ako nakitira sa inuupahan nilang kwarto sa Mangahan Commonwealth muna for a while kasama ang mga talent nila, Nakilala ko din si Diane Antonio na isang supplier din ng talent sa MTB contestant, At si Ronald Abad na isang marketing staff sa riverbaks mall. Naisipan naming na bakit hindi na lang kami magtayo ng sarili naming agency. Dun Nabuo ang RDB Talents & Events Management noong april 20, 2005. Mga raket namin puro events at naghahandle kami ng mga boyband. Kaso di nagclick at di kami kumita. Puro Gastos lang ang inabot naming. Tapos biglang humiwalay na si Paloma rumaket na ng sarili, Si Ronald Abad Bigla na lang di nagpakita. at di na nagparamdam .Kami na lang di Diane ang naiwan sa RDB. Pero dina rin namin nakayanan dahil wala ng raket puro gastos na lang si Diane kasi sya ang mapera sa amin as in best effort sa pag gastos sa agency. Naiwanan nanamin parepareho ang RDB.
4th quarter ng 2005 – panibagong tao nanaman ang nakilala ko. Si Tita Grace Padua. Nanay ng isang Batang singer na si Ryan Padua sa Taytay Rizal. Dahil sinabi ko na wala ako matirahan bukas palad naman nila ako na pinatuloy sa bahay nila. Tapos pinasok nya ako sa isang company na beauty Products. Ginawa nila ako event coordinator doon. Pero dun ko nakita at naranasan ang mga sumusunod sa company na iyun. Inggitin ng bawa’t empleyado, sisiraan ka hanggang sa matanggal ka, gagawan ka ng mali para matanggal ka sa trabaho lalong lalo na kung nagugusthan ka na ng boss. One sided din ang boss. Isa na nga ako sa biktima ng ganung klase ng sistema ng isang kumpanya. Natanggal din ako at dina pinapasok ng boss. Di mo alam kung sino ang kakampi mo.
2006 – nagdecide ako na magrent na lang ng kahit na maliit na kwarto. Lakasan ng loob nagpasaklolo na ako sa parents ko para sa pang downpayment. Para naman harapin ko ang sarili kong buhay na dina na nakikitira tira kung kani-kanino at kung saan-saan. Nagproduce din ako ng Bikini Open dito pero masalimoot lang na buhay ang nangyari. Pinahiram ako ng mother ko ng 100k puhunan sa negosyo kasi nagretire na sya at nakakuha ng retirement benefit. Pero wala ding nangyari sa negosyo. Naloko lang din ako.
Pinagpatuloy ko ang pagsusuply ng talent nakiusap ako kay kuya Ricthie Rono na tulungan ako. Ayun First supply ko sa kanya ng talent yung sa Komiks Valentina at isa pang Komiks. Kasa-kasama ko si Liezel ang pang apat ko kapatid sa negosyo pati si kuya Roland Cayabyab sa pagsusuply ng talent at kasama sa maliit na kwarto sa may cubao.
Nagpapaworkshop ako ng acting sa quezon city circle para me source of income. Minsan After ng Workshop nagikot-ikot ako tapos bigla ko nakita si direk Mac Alejandre tapos maraming tao. Tinanong ko sya kung ano meron kasi kilala naman ako ni direk mac ilang taon din ako nagcaretaker sa click show nya. Nagpapaaudition sya ng Majika that time sabi ko mag audition din ako sabi nya wag na kilala naman daw nya ako papatawagan na lang daw ako. Eh kasi wala ako coordinator kaya nagpaunder na lang ako sa ibang agency. Ayun nakapagtaping naman ako ng isa yung sumunod wala na kasi nag iisa lang daw ako nakakuha dun sa coordinator ko. Kaya nagpaunder na lang ako kina Mamu Edward Lagan sa facegem partner sila ni tita Cynthia. Nagtalent at nagsupply din ako ng mga talent sa kanila pati Kay Tita Becky Aguila courtesy of tita cecil tinulungan din ako nila na makapagsupply sa mga shows nila at magdala ng mga workshoper para somehow me kita din ako.
Paano kami naging magkasama ni Mamu sa agency paano kami nagmerged?
Nagkaroon sila ng mis understanding ni Tita Cynthia feeling nya nawala sya sa picture which is true nawalan sya ng power which is true. Kinausap nya ako na magtandem na lang kami kasi masama ang loob nya. Sabi nya sya na ang bahala sa mga talent sa pagbook kasi wala ako alam dun sya kasi bihisa sa mga ganun. So Dun nag start ang partnership namin. Kinausap ko mga kaibigan ko sa ABS-CBN na sina kuya Ricthie at Ms. Bevz na magfufull blast na ako sa pagsusupply ng talent. Pinakilala ko si Mamu sa kanila. Una naming show na kasama ko si mamu ay yung Komiks “Bulkan 5” na kami kami din ang talent pati mga kapatid at parents ko at si papu. Isa din si Direk Tots sa mga naging kaibigan namin na tumulong sa amin.
Hanggang sa Dumami na ng dumami. Unang primetime teleserye namin ang “Sana Maulit” hanggang sa dumami na ng dumami ang show namin. Malaki ang kinikita namin. Di namin namamalayan na sobra sobra na pala ang nagagastos namin ni mamu at sobra din sa hatian. Yari pa sa interest ng inuutang pa naming pera pang pay after sa mga talents. Di din namin na monitor na dami din pala hindi nabayaran ng production at hindi na rin naming mahahabol kasi matagal ng di umeere ang show.
Malaking pagsubok sa buhay namin na magkaroon ng utang na almost 1 million noong year 2008. shake ang buong mundo namin at hindi na namin alam kung paano mababayaran yun. Hinahabol na rin kami ng mga financier. Pero tuloy pa rin ang supply ng talent hoping na mababayaran pa namin. Muntik muntikan na kaming sumuko ni mamu dina kami masyado nag uusap at nagkikita, parating sarado ang office. Parati nya ako tinatanung kaya pa ba natin o hindi na? parati ko naman sinasagot kaya pa natin yan hawak kamay tayo pero ang totoo me masabi lang ako. Last quarter ng 2008.
Inalok ako ni Tita Mae na meron daw bagong show ang alaga naming si Zaijian na Pagbibidahan. Yun na nga itong May Bukas Pa. Unexpected ang taong 2009 nabayaran namin lahat ng utang namin. Kaya’t nagpathanks giving party kami ng December 2009. Magmula noon sunod-sunod na ang swerte ko sa buhay. 2010 sumikat si Xyriel, ngayong 2011 si Mutya naman. Noong una Sabi ko tama na si Zaijian at Xyriel na lang ang tututukan ko kahit din a kami magsupply ng talent. Pero naawa ako sa mga talent noong lumapit sa amin na ang sabi “Dadu wag naman, ito lang ang pinagkakakitaan namin wala kaming makain kung walang taping, Nalilibre kami ng pagkain pag me taping nakakabawas na din sa gastusin yun”. Nakarelate ako sa kanila kasi noong araw masipag ako magtaping para me makain.
Sa ngayon masasabi ko na narating ko na ang mga pangarap ko noong bata pa ako. Di ko aakalain na makakasama ko ang mga artista, ang mga boss at me ari ng mga tv network. Mga kung sino sinong bigating tao na minsan pinangarap ko noon na makasama ko. Ang makasakay sa eroplano, ang makakain sa mga mamahaling restaurant, ang magkaroon ng sariling sasakyan at bahay. Ito lang yun “BELIEVE IN GOD, BELIEVE IN THE POWER OF WORDS” na pag sinabi na kaya mo at mararating mo ang pangarap mo ay mararating mo.
Mayroon na rin akong sariling pamilya na binubuhay na sya ring nagsisilbing inspiration ko sa buhay. Panahon naman ngayon na suklian ko ang effort na ginawa ng mga magulang ko noong bata ba ako. Masaya ako na hindi ko nabigo ang mga magulang ko sa na magkaroon at mabigyan ng magandang pamumuhay.
Sa ngayon, ginagawa ko itong negosyo ko para sa pangarap din ng mga kabataan ngayon. Ang magsilbing daan para sa kanilang mga pangarap sa buhay. Kaya sa misyon kong ito dalangin ko lang ang safety at good health para magampanan ko ang tungkulin ko sa mundong ito. Sana somehow me napulot kayo aral sa kwento ko.